Thursday, June 26, 2014

Tiwala sa sarili


Marami sa atin ang natatakot at ayaw magsalita sa harapan sa pangambang magkamali, mabulol, o mapagtawan. Kaya naman mas pinipli na lang nating manahimik at tila walang pakialam sa mga nangyayari sa paligid.
Marami din ang animo'y gustong magtago at lumayo sa sangkatauhan sa paniniwalang wala silang alam o silbi sa lipunan. Sa kabilang dako, may iilan din ang tila lumaki na ang mga ulo dahil sa mga pag-aari, abilidad at kagandahan nila.
Anu nga ba ang ibig-sabihin ng pagkakaroon ng tiwala sa sarili at paano ito maaabot?
Ngunit bago natin yan sagutin, tignan muna natin ang mga ginagawa na ng karamihan upang tumaas kuno ang "confidence" nila.
Kung mapapansin niyo, kung anu-ano na ang ginagawa ng karamihan upang tumaaas lang ang tiwala nila sa sarili. May nagpapakulay ng buhok, nagpapagupit ayon sa uso, nagpapabraces sa ngipin, nagsusuot ng mga makukulay at mamahaling damit, bumibili ng makabagong gadgets, nagpaparamihan ng likes sa facebook at followers sa twitter at kung anu-ano pa. Wala namang masama sa pagkakaroon ng lahat ng ito pero halimbawa, tanggalin natin ito lahat sayo, may matitirang confidence pa ba, o baka naman maubos na lahat?
Ang tiwala sa sarili ay galing sa positibong tingin sa sarili, sa kakayahan, sa mga taong nakapalibot sayo, sa mga alam at magagandang pananaw sa buhay. Subalit kung ngayon palang ay pangit, bobo at walang silbi na ang tingin mo sa sarili, kahit anu pang retoke ang gawin mo, mananatiling kulang at negatibo parin ang confidence mo.
Mahalagang malaman na ang confidence ay dapat manggaling mismo sa sarili mo, hindi yan maipapasa o maibigay galing sa iba. Marahil ay pwede kang tulungan ng mga kakilala mo ngunit sa kabila ng lahat, ikaw parin ang magdedesisyon para sa sarili mo.
Sa mga pagkakataong ikaw ay hinihimok upang magsalita sa harap, gamitin mo ang inilaang panahon upang maihanda ang sarili. Sa pamamagitan ng maayos na paghahanda, makakatiyak kang tama ang mailalahad mo sa manonood.
Huwag kang mabahala kung makaramdam ka ng kaba o takot kasi kahit ang mga pinamagagaling ay nakakaramdam din ng mga ganyan. Kahit yung mga taong tinitingala mo sa larangan ng public speaking ay kinahabahan din.
Kung umabot ka naman sa sitwasyong ika'y napagtawanan, huwag panghinaan ng loob dahil dumadaan ang lahat diyan. Ang mapagtawanan din ay implikasyon na ang manonood ay nakikinig sa iyo.
Subalit kung nagawa mo na ang lahat upang hugutin ang lahat ng iyong tiwala sa sarili pero ikaw ay nabigo, baka naman may nalimutan kang isang napaka importanteng bagay, ang pananalig at pagdarasal sa Panginoon.

No comments:

Post a Comment